Freitag, 7. März 2008

Misa ni Fr. Fernando Suarez sa HK dinagsa

HONG KONG - Dinagsa ng libu-libong mga tao ang Hong Kong Catholic Cathedral noong Enero 20 para sa isang misa at mass healing na isinagawa ni Fr. Fernando Suarez, ang 41 taong gulang na pari na kilala sa pagpapagaling ng mga maysakit at may kapansanan.

Wala pang alas-9 ng umaga ay nag-umpisa nang nagdatingan ang mga tao sa Cathedral para sa misa na nakatakdang mag-umpisa ng alas-dos ng hapon. Pagdating ng ala-una ay puno na ang Cathedral, at ang pila ng hindi makapasok ay umabot hanggang kalsada papunta sa simbahan at sa garahe ng isang karatig na gusali.

Maswerte ang nanigurado at dumating nang maaga dahil nakapamili sila ng uupuan.
Mas mainam nang mapaaga para siguradong makapasok at maka-upo sa loob, ang katwiran nila.

Karamihan sa dumalo ay mga Pilipino, nguni’t mayroon ding ilang Intsik at iba pang lahi na nagsadya sa Cathedral para sa iisang pakay: ang masilayan at marinig ang bantog na paring may kakaibang galing, at makatanggap ng mala-milagrong pagpapagaling sa kanilang karamdaman.

Kabilang sa mga dumalo sina Bise Presidente Noli de Castro, First Gentleman Mike Arroyo, Kong. Teddy Locsin, Ambassador Philippe Lhuillier, mga matataas na opisyal ng Konsulado at ng Development Bank of the Philippines na pinangungunahan ng kanilang chairman na si Pat Sto. Tomas.

Sari-saring sakit ang dala-dala ng nakararami. Mayroong masakit ang tiyan, tainga, likuran at iba-iba pang parte ng katawan, at mayroon ding may cancer, arthritis, myoma, cerebral palsy, toxic goiter at kung anu-ano pa. May ilan din na naka-wheelchair na dahil sa malalang karamdaman. Lahat sila ay binigyan ng pagkakataon na makalapit sa altar para sa misa.

Mayroon ding mga nagdala pa ng mga larawan ng kanilang mga mahal sa buhay para ipahipo kay Fr. Suarez at maipagdasal na rin.

Kabilang sa mga dumalo dahil sa pag-asang mapapagaling ang kanilang mga sakit ay sina Lanie Vargas na nagpapagaling mula sa isang maselang operasyon, Rudy Salinas Manuel, Jr. na may cerebral palsy, Fely Francisca ay may sakit sa puso, at si Amada Escopel na limang taon nang iniinda ang kanyang gall stone. Si Frances Chan naman na isang Intsik ay may aneurysm.

Sa kanyang homily, nilinaw ni Fr. Suarez na instrumento lang siya ng Diyos sa pagpapagaling.
"Hindi ako ang nakakapagpagaling, kundi ang Panginoong Hesukristo. Ako ay isang instrumento lamang. Magagamot ang isang may sakit depende sa kaniyang paniniwala at pananampalataya."

Nagbiro din siya na ang mga OFW ay may “gift of tongue" (o gift of u-tongue) at “gift of healing" (o gift of hiling ng hiling).

Marami ang pinahanga ni Fr. Suarez nang sa umpisa ng pamimigay ng komunyon ay bigla siyang nawala at ipinaubaya sa mga kasamahang pari ang pagbibigay ng ostiya sa mga VIP. Iyon pala ay lumabas siya para magpakita at magpa-komunyon sa mga libo-libong tao na hindi nakapasok sa loob ng simbahan.

Umabot ang misa ng mahigit dalawang oras, at dinagdagan pa ng mass healing na umabot hanggang alas singko ng hapon.

Marami sa mga dumalo ang nagpahayag ng pasasalamat dahil napagaling daw ni Fr. Suarez ang kanilang mga sakit.

Isa sa mga medyo malala ang karamdaman ay si Adelina Taguian na nasa second stage na ng cancer. Nagpunta siya sa Cathedral kahit hinang-hina pa dahil sa katatapos na chemotherapy. Bigla siyang nawalan ng ulirat nang hawakan siya ni Fr. Suarez.

"Nawalan ako ng panimbang, nabuwal ako," ang sabi niya. “Pero pagkatapos niyan ay bumuti na ang aking pakiramdam at nakatayo na ako't nakalakad."

Ayon naman kay Editha Lagura: "Gabi-gabi inuubo ako, hindi ako makatulog dahil ginigising ako ng aking pag-ubo." Nang kamustahin namin siya ilang araw matapos ang misa, sinabi niyang mahimbing na ang tulog niya, at nawala na ang kanyang ubo at ashtma.

Si Armando Manlangit ay isang musikero. Na-stroke siya noong Okt. 8 at na-confine hanggang Dis. 2. Bumuti naman ang kanyang katawan pero lumabo ang kanyang mga mata. Pero nang mahipo daw siya ni Fr. Suarez ay parang himalang luminaw daw ang kanyang paningin.

Si Editha Tindogen ay may cyst sa ovary at myoma sa uterus. "Noong Dis. 2 naging 2.5 cm ang cyst ko, binigyan ako ng gamot na pampatunaw ng doctor pero lalo naman itong lumaki at umabot sa 7.5 cm kaya sinabi na kailangan kong magpa-opera kaagad. Ngayon, hindi ko na makapa," ang sabi nito dahil wala na daw siyang makapang bukol.

Si Jenny San Jose na taga DBP sa Pilipinas ay dumayo pa sa HK para makasimba sa misa. Umiiyak ito sa saya dahil nawala na daw ang kanyang problema sa thyroid na halos isang taon din niyang nararamdaman.

Parehong may problema sa tiyan sina Sally Felipe at Nelia Dimaala. Ayon kay Felipe, "Hinabol ko si Fr. at nang mahipo ko siya, nawala na ang sakit sa aking tiyan."

Ayon naman kay Dimaala, "Nang nagmi-misa pa lang si Fr., parang hinahalukay ang aking tiyan; maya-maya ay nawala na (ang sakit)."

Isa rin sa mga nagbigay ng patunay si Jesusa Pamittan, na nawala namang bigla ang goiter.

Si Lydia Tungpalan naman na lagi daw naninikip ang dibdib at may nakakapang bukol sa kanyang suso ay gumaling din.

Ang sakit naman sa baywang na matagal nang nagpapahirap kay Gina Pentecostes ay nawala din daw, kaya ang sabi niya ay “blessed na blessed" daw siya.

Samantala, may isang nagpakilalang kamag-anak ni Fr. Suarez ang nakipagsiksikan din sa pila. "Nang ibinalita ng mga kamag-anak ko sa Batangas na pupunta si Father dito ay natuwa ako. Nang makita ko na sobrang dami ng tao ay alam kong hindi na ako makakapasok sa loob kaya sinabi ko kay Fr. Jeff Shannon (kasamahan ni Fr. Suarez) na, I want to see Fr. Suarez, he is my cousin. Kaya dinala niya ako sa kanya at nang mahipo ako nawala na ang sakit at ang paninigas ng aking batok."

May ilan ding lumapit sa harap ng altar para magbigay ng patunay. Dapat lang daw na ipamalita ang kabutihang ginawa ng Panginoon sa pamamagitan ni Fr. Suarez, anila.

Marami ang umiyak sa mga nagbigay ng patunay dahil sa mga sakit daw nilang gumaling.

Ayon sa isa, "Habang pina-pag pray over ako ni Fr., parang may magnet na humihigop (ng sakit) sa aking ulo, sa aking balikat, sa aking katawan."

May ilan naman na nagsabing nakaramdam sila ng panlalamig sa buong katawan habang nag ma-mass healing si Fr. Suarez, kabilang na sina Bobby Roldan, kinatawan ng SSS sa HK at Arnold Grospe ng Friends International Magazine.

Ayon sa mga tumulong sa misa, ang nalikom na pera sa “love offering" ay mapupunta sa mga mahihirap. - The Sun, HK

Keine Kommentare: